Home METRO Lasing na pulis patay sa pinaglaruang baril

Lasing na pulis patay sa pinaglaruang baril

ZAMBOANGA DEL SUR- PATAY ang isang pulis matapos aksidenteng makalabit nito ang gatilyo habang pinaglalaruan ng kanyang daliri ang baril sa harap ng kanyang misis nitong Martes, Mayo 28 sa bayan ng Dinas.

Kinilala ang biktimang si police colonel June Alpad, kasapi ng Dinas Municipal Police Station sa Dinas, Zamboanga del Sur at residente ng Barangay Nangka, ng nabanggit na bayan.

Batay sa report ng Dina Police Station, bandang 9:00 AM nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa lamay ng kanyang kaibigan ang biktima at umuwi na itong lasing sa kanilang bahay.

Pagdating ng bahay, tinanong ito ng kanyang misis subalit nauwi sa mainitang pagtatalo dahilan para bunutin nito ang kanyang baril at ginawang panakot sa misis habang pinaikot-ikot niya ito sa kanyang daliri.

Sa bilis ng pangyayari ay nakalabit ng biktima ang gatilyo at pumutok ito sa kanyang mukha na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ginagawa ng pulisya sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico