Home ENTERTAINMENT Rita, may hugot sa FAMAS!

Rita, may hugot sa FAMAS!

Manila, Philippines – Hindi naitago ng seasoned actress na si Rita Avila ang pagkadismaya sa sinapit ng veteran actress na si Eva Darren sa naganap na FAMAS Awards Night.

Sinabi ni Rita sa kanyang Facebook post na naiintindihan niya ang damdamin ni Eva at ng pamilya nito sa nangyari.

“The feelings of Ms. Eva Darren and family are understandable. Totoo naman! I am glad that her son posted about it,” simulan ni Rita.

Sang-ayon nga raw siya sa mga opinyon ng ibang tao tungkol sa pag-iimbita sa mga artista na sila pa ang gagastos sa lahat tulad ng damit, make-up, gasoline at pagkain.

“And I agree a 100% to the comments that said, mInimbita ka, ikaw pa magbabayad ng meal mo? Nananahimik ka, tapos iimbitahin ka, gagastos ka mula sa damit, make-up, gasolina hanggang sa pagkain mo para ano? Para sa NINGNING?'”

“Si Ms. Eva Darren ay pumunta definitely hindi para sa ningning pero dahil nirespeto n`ya ang imbitasyon, nirespeto ba s`ya?” say pa ni Rita.

May hugot din si Rita sa mga hindi bidang artistang naiimbita sa presscon na nagmumukhang tanga lang dahil hindi naman nai-interview ng press.

“Kahit naman sa mga mediacon/presscon, invited ang cast, nagbihis, nag-ayos, gumastos sa gasolina para lang magmukhang tanga ang marami. Mga bida naman ang gustong interview-hin ng press, eh, di sana, mga bida na lang ang mag-attend, di ba?” ang hinaing ni Rita.

Payo ni Rita sa mga taga-showbiz, “Dapat sa showbiz, eh, tayo ang mag-alagaan sa isa`t-isa. Tayo ang magbigay-respeto sa isa`t-isa, tayo ang magbigay-dignidad sa isa`t-isa,” aniya.

Kinuwestiyon din ng seasoned actress ang ibinigay na excuse ng FAMAS na hindi raw nakita ng production staff si Ms. Eva sa loob ng venue kaya napalitan ito bilang presentor.

“Wala sa photo ng presenters si Ms. Eva pero inimbita nila pinag-memorize ng script, ano yun? Tapos ang excuse ay di makita si Ms. Eva. Ano yun?!

“Kung presenter siya, may nakabantay na dapat sa kanya mula sa pagdating n`ya dahil dapat alam na kung saan siya nakaupo para `pag malapit na yung part n`ya, madali siyang tatawagin,” say ni Rita.

Dagsa rin ang sumang-ayon kay Rita sa comment section at may kanya-kanya ring galit sa FAMAS dahil sa kahihiyang nangyari kay Ms. Eva Darren at sa pamilya nito. Gerry Ocampo