Home NATIONWIDE Lava flow sa Basud Gully ng Mayon umabot na ng 1 kilometro

Lava flow sa Basud Gully ng Mayon umabot na ng 1 kilometro

MANILA, Philippines – Umabot na sa hanggang isang kilometro mula sa crater ang lava flow sa silangang dalisdis ng Bulkang Mayon o “Basud Gully” mula sa dating 600 metro.

Sa pinakahuling bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Miyerkules, Agosto 9, napanatili ng mabagal na pagdaloy ng lava sa
Bonga (southeastern) at Mi-isi (south) Gullies ang distal lengths nito na 3.4 kilometro at 2.8 kilometro sa nakalipas na 24 oras.

Nasa kabuuang 259 volcanic earthquakes naman ang naitala sa Mayon, kabilang ang 91 low-frequency volcanic earthquakes at 167 tremor events na tumagal ng isa hanggang 21 minuto.

Nagkaroon din ng 45 rockfall events sa bulkan at apat na pyroclastic density currents, at lava collapse na umabot ng 4 kilometro mula sa crater.

Mayroon ding average na 969 tonnes per day na sulfur dioxide emission nitong Lunes, Agosto 7.

Nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang babala sa Bulkang Mayon na nangangahulugang ito ay “relatively high level of unrest,” at posible ang “hazardous eruption within weeks or even days.” RNT/JGC