Home OPINION LAYAS NA SA LEBANON!

LAYAS NA SA LEBANON!

LUMAYAS na kayo sa Lebanon!

Huwag pumunta o magturista sa Lebanon!

Ito ang kabilang sa mga matitinding pahayag at babala ng dumaraming bansa para sa kanilang mga mamamayan ukol sa Lebanon dahil sa tila hindi na mapigilang all-out war sa pagitan ng Hezbollah at Israel.

Dapat na umanong lumayas silang mga dayuhan na nagtatrabaho o nagtuturista sa Lebanon.

Ang mga turista at gustong magtrabaho naman, huwag na nilang pangarapin pang pumunta sa Lebanon.

KUWAIT SINUNDAN NG IBA PA

Unang nagbababala at nagpapauwi ng mga mamamayan nito ang bansang Kuwait isang linggo na ang nakalilipas.

At lahat ng mga paraan at kontak ng pamahalaang Kuwait ay ipinaabot sa mga Kuwaiti para sa mabilis na pagbabakwit.

Sumunod na rito ang Canada at ngayon, sumunod na rin ang Germany, the Netherlands, United States, North Macedonia, Sweden, United Kingdom, Jordan, Russia, Ireland, Saudi Arabia at Australia.

Tiyak na darami pa ang mga bansang magpapauwi ng kanilang mga mamamayan na nakatira sa Lebanon.

At nadadamay na rin ang pagtuturista at balak na pagtatrabaho sa nasabing bansa.

Ang Pilipinas, nagpapahayag na ng pagkabahala ukol sa nasa 33,000 overseas Filipino worker na nasa Lebanon.

Pero hindi natin katulad ng ibang mga bansa na pinuuwi na ang kanilang mga mamamayan.

Hanggang tinitipa ito, mga Bro, kung hindi nagkakamali ang ating Uzi, tanging ang pagpunta sa Lebanon bilang obrero o turista ang binibigyang-babala.

LIBO-LIBO LUMAYAS NA

Sa parte ng Israel, nasa 90,000 nang Israelita, kasama ang mga nagtatrabahong OFW para sa kanila, ang lumayas na sa bawndary ng Lebanon at Israel dahil sila ang pangunahing nahahagip ng mga rocket, drone at missile ng mga Hezbollah.

Halos ganito rin ang umalis sa parteng Lebanon na kadikit ng Israel.

Bukod sa panganib ng kamatayan, wala na ring hanapbuhay sa mga lugar sa bawndary ng dalawang bansa.

Lalo na sa bahagi ng Lebanon na binobomba ng Israel ng white phosphorous na sumusunog sa lahat ng bagay.

Nais ng Israel na walang makatatawid sa binombahan ng white phosphorous at lalong walang anomang mabubuhay na hayop, isda at halaman sa mga lugar na ito kaya sapilitan nang walang maninirahan dito.

Dapat umanong may 5 kilometro sa loob ng Lebanon bilang bawndary nito sa Israel upang mapigilan ang paglusob ng Hezbollah at at mapalayo ang mga Hezbollah sa pagpapalipad ng mga drone, missile at rocket patungo sa Israel.

MATINDING PANGANIB

Kapag sumiklab ang all-out war sa pagitan ng Hezbollah at Israel, sinasabi ng Iran na lalaban na rin ang mga kaalyado ng una na nakabase sa mga bansang Iraq, Syria, Yemen at iba pa.

Maaari ring direktang maggiyera ang Iran at Israel.

Kapag naganap ang mga ito, mga Bro, ano ang dapat gawin ng Pilipinas?

Para sa kapakanan ng mga OFW at iba pang Pinoy na naroroon sa Lebanon at Israel?

Alalahaning may 33,000 OFW sa Lebanon at may 30,000 naman sa Israel.

Alalahanin din, tiyak na kulang ang dasal para sa mga OFW at kailangan ang iba pang anyo ng gawain para sa kanilang kaligtasan.