MANILA, Philippines – Sinabi ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na suportado nito ang pagtutol ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa plano ng Department of Transportation (DOTr) na taasan ang airport terminal fee nang halos 50 porsyento.
Sa press statement, tinuran ng LCSP na “Masyadong mataas ang 50 porsyentong terminal fee hike. Hindi porke’t nag-e-eroplano ang isang commuter ay magiging madali sa kanya ang dagdag na pasanin ng mas mataas na singil na ito.”
Kaugnay nito, ipinaalala ng LCSP na karamihan sa ating mga mananakay ay gipit din ang budget kaya mas marami ang pumipili ng mga “budget airlines” upang kahit papaano ay bumaba ang kanilang pamasahe. Bakit pa raw kailangan na ang pasahero ang pumasan sa sinasabing pagtaas ng singil sa terminal fee para lamang mapondohan ang planong pagpapa-renovate o pagpapa-improve ng mga paliparan?
Lalo pa sa panahong ito, iindahin ng ating mga kababayan ang sobrang taas ng singil na ito.
Ayon sa LCSP, may mga usapin pang dapat tutukan ang DOTr, gaya ng matagal nang hiling na pagbaba ng pamasahe sa mga tren at pagdisenyo ng mga stratehiya upang lumuwag ang daloy ng trapiko sa mga kalsada na sadyang nagpapahirap sa mga Pilipino.
Samantala, naniniwala ang LCSP na napapanahon at kailangan ng suporta ang panawagan ng TUCP ukol sa dalawang malaking isyung ito. (Santi Celario)