Home NATIONWIDE Lebel ng tubig ng Angat dam ‘di magkikritikal – PAGASA

Lebel ng tubig ng Angat dam ‘di magkikritikal – PAGASA

93
0

Siniguro ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na bagama’t patuloy na bababa ang antas ng tubig sa Angat Dam hanggang huling bahagi ng Hunyo, hindi ito inaasahang aabot sa kritikal na lebel ngayong taon na posibleng magdulot ng kakulangan sa suplay ng tubig para sa domestic use, sa gitna ng babalang posibleng pagbuo ng El Niño na maaaring tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.

Sa climate forum noong Martes, Mayo 26, iniulat ni PAGASA weather specialist Jofren Habaluyas na nasa 174.83 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam alas-6 ng umaga. Nananatili itong mas mababa sa 180-meter minimum operating level mula pa noong Mayo 11.

Ayon kay Habaluyas, unti-unting bumababa ang antas ng tubig mula pa noong unang bahagi ng Mayo, mula 183.65 metro noong Mayo 1 hanggang sa halos walong metrong pagbaba pagsapit ng Mayo 25. Naitala rin ng PAGASA ang 121.35 milimetro lamang na pag-ulan sa Angat watershed mula Mayo 1 hanggang 25, na karamihan ay nangyari sa pagitan ng Mayo 9 hanggang 17.

Ipinaliwanag niya na karaniwang nakararanas ng pagbaba ng tubig ang Angat Dam mula Enero hanggang huling bahagi ng Hunyo bago ito bumawi sa tag-ulan at muling umabot sa normal na high water level na 210 metro.

“Based sa aming analysis, based on the data that we have, di naman natin nakikita na bababa pa ang Angat [water level] below the 160 level. Ito kasi yung critical level ng Angat kung saan possible na magkaroon tayo ng shortages for domestic water supply (Based on our analysis and available data, we do not see Angat’s water level going below 160 meters. This is the critical level where shortages in domestic water supply may occur),” ani Habaluyas.

Dagdag pa niya, inaasahan ng PAGASA na aabot lamang sa humigit-kumulang 170 metro o bahagyang mas mababa pa ang lebel ng tubig, sa halip na bumaba sa antas na naitala noong matinding water shortage noong 2010 at 2019, at posibleng magsimulang makabawi pagsapit ng kalagitnaan ng Hulyo hanggang sa patuloy na pagtaas hanggang katapusan ng taon.

Gayunman, nagbabala siya na maaari pa ring magdulot ng panganib sa suplay ng tubig ang posibleng El Niño sa unang bahagi ng 2027.

Ayon naman kay PAGASA weather specialist Joey Figuracion, nananatili ang ENSO-neutral conditions sa tropical Pacific, ngunit karamihan sa mga climate model ay nagpapakita na maaaring “soon” mabuo ang El Niño, na may 92 porsiyentong posibilidad sa Hunyo–Hulyo–Agosto at posibleng tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.

Aniya, maaaring magsimula bilang mahina ang El Niño ngunit posibleng lumakas hanggang “strong” sa pagitan ng Setyembre hanggang Nobyembre, at may posibilidad pang umabot sa “very strong” sa pagitan ng Nobyembre hanggang Enero.

“Stronger events do not always mean bigger weather and climate impacts, but stronger events can make it more likely that certain impacts could occur,” paliwanag ni Figuracion.

Ayon sa kanya, maaaring magpalakas ang paparating na El Niño ng southwest monsoon o “habagat” sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas mula Hunyo hanggang Setyembre 2026 na posibleng magdulot ng malalakas na pag-ulan. Posible rin umanong bumaba ang bilang ng tropical cyclones sa huling bahagi ng taon, ngunit ang mga mabubuo ay maaaring lumakas hanggang typhoon o super typhoon.

Inaasahan ding magsisimula ang dry conditions pagsapit ng Nobyembre, habang maaaring maranasan ang matagal na tagtuyot at drought sa unang bahagi ng 2027 kung magpapatuloy ang El Niño. Nagbabala rin si Figuracion sa mas mainit na temperatura sa dry season ng susunod na taon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here