Home NATIONWIDE Lebel ng tubig sa Angat Dam patuloy na nasasaid

Lebel ng tubig sa Angat Dam patuloy na nasasaid

MANILA, Philippines – Patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam palapit sa minimum operating level nito na 180 metro, batay sa update ng state weather bureau PAGASA ngayong Biyernes.

Mula sa 184.38 metro noong Huwebes, bumaba ang lebel ng tubig ng Angat Dam sa 183.99 m.

Ang Angat Dam sa Bulacan ay nagsusuplay ng humigit-kumulang 90% ng mga pangangailangan ng tubig ng Metro Manila, Rizal, at mga bahagi ng Cavite at Bulacan.

Bukod sa Angat Dam, bahagyang bumaba rin ang lebel ng tubig sa La Mesa, Binga, San Roque, at Magat dam noong Biyernes, ayon sa datos ng PAGASA.

Dahil sa paghina ng tubig sa Angat Dam, inatasan kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga golf course sa Metro Manila na magpatupad ng water conservation measures. RNT