Home NATIONWIDE Lemon Law ‘di lang ang remedyo sa reklamo sa nabiling bagong depektibong...

Lemon Law ‘di lang ang remedyo sa reklamo sa nabiling bagong depektibong sasakyan – SC

MANILA, Philippines – Bukod sa Lemon Law, maaring magsampa ng kaso sa ilalim ng ibang batas ang mga nakabili ng depektibong bagong sasakyan.

Idineklara ng Supreme Court na hindi lamang Lemon Law ang pwedeng maging remedyo sa ilalim ng batas ng mga nakabili ng depektibong bagong sasakyan.

Ito ang naging desisyun ng Korte Suprema sa kaso ng isang konsyumer na humiling sa Toyota Balintawak, Inc. na palitan ang kanyang bagong biling sasakyan matapos madiskubre na may depekto ito. Ngunit tinanggihan sya ng Toyota dahil ayon sa Republic Act No. 10642 o ang Philippine Lemon Law (Lemon Law), maaaring ayusin muna ng Toyota nang hanggang apat na beses ang sasakyan bago ito palitan.

Sa desisyun na isinulat ni Associate Justice Antonio Kho, Jr., sinabi ng Korte Suprema na hindi limitado sa Lemon Law ang legal remedies ng mga mamimili ng bagong sasakyan.

Maaari ring gamitin ng mga konsyumer ang Consumer Act, na nagbibigay sa supplier ng 30 araw para maisaayos ang depektibong produkto.

Ang mga mamimili ng depektibong bagong sasakyan ay may karapatang ipatupad ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng anumang umiiral na batas. Teresa Tavares