MANILA, Philippines – Pinagpapaliwanag ng Supreme Court ang dating senatorial aspirant na si Francis Leo Antonio Marcos kung bakit hindi siya dapat patawan ng contempt of court.
Magugunita na Enero 21, 2025 nagpalabas ang SC ng temporary restraining order na pumipigil sa Commission on Elections sa pagdeklara kay Francis Leo Antonio Marcos bilang nuisance candidate sa 2025 elections.
Gayunman, matapos ang isang araw na mag-isyu ang SC ng TRO, nagtungo si Marcos sa Comelec para umatras sa senatorial race.
Idinahilan ni Marcos na ayaw niyang gumastos ng malaki ang gobyerno sa pag-iimprenta ng balota na kasama ang kanyang pangalan.
Sa resolusyon ng SC En Banc, inatasan si Marcos na magpaliwanag sa loob ng 72 oras kung bakit hindi siya dapat icontempt.
Ayon sa korte Suprema, ang ginawa ni Marcos ay parang pagpapakita ng kawalan ng respeto at kasiraan sa proseso ng Mataas na Hukuman. TERESA TAVARES