MANILA, Philippines – Nagpakita ng senyales si dating National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo na tumestigo kaugnay sa kwento ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Royina Garma patungkol sa cash reward sa bawat mapapatay sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ito ay kasunod ng sinabi ng isa sa mga chairman ng apat na House committees na nag-iimbestiga sa war on drugs na ang rebelasyon ni Garma ay kailangan na mas mapalakas pa.
“We had an initial talk… He asked that we talk to him. Initially speaking, mayroon na siyang tinatawag na intensyon na, okay, sasabihin na niya ‘yung iba in detail,” pahayag ni Manila Rep. Bienvenido Abante, patungkol kay Leonardo.
Si Leonardo ay nagbitiw sa pwesto sa Napolcom kasabay ng pagdinig.
“Although we are not sure about that. It’s up to him,” dagdag pa niya.
Si Abante ang chairman ng House Committee on Human Rights.
Ani Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ang testimonya ni Garma kung paanong nais ni dating Pangulong Rodrido Duterte ang pagpatay sa mga drug personality na magantimpalaan ng cash reward ay kailangang masuportahan ng pahayag ng iba pang mga indibidwal.
“Iniintay natin na merong mag-corroborate na ibang witnesses para nang sa ganun, magkaroon ng bigat yung kanyang revelation,” ani Barbers.
“Hindi naman ibig sabihin na kapag siya ay nag-reveal o nagbigay, nagsumite ng affidavit sa amin ay paniniwalaan natin [agad ng] 100%,” dagdag nito.
Ang tinutukoy ni Barbers ay ang Davao model na isinalaysay ni Garma sa House Quad Committee investigation sa drug war deaths kung saan sinabi nito na ang reward sa bawat mapapatay, depende sa profile, ay mula P20,000 hanggang P1 milyon kada ulo.
“There must be a testimony from another witness na mag-kokoroborate dito. Or mayroon itong [sinabi ni Garma na] documentary evidence na pwedeng i-submit sa committee na magcocoroborate din ng kanyang revelation,” sinabi ni Barbers.
Nais ng House Quad Comm na imbitahan ang mga personalidad na binanggit ni Garma kabilang ang dating pangulo, Senador Ronald dela Rosa, at si “Muking.”
“We took note of all these names so that we will invite them in the next Quadcom hearings.” RNT/JGC