Home NATIONWIDE Leviste humingi ng paliwanag sa P27.7-B 2026 House budget

Leviste humingi ng paliwanag sa P27.7-B 2026 House budget

292
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Batangas 1st district Rep. Leandro Legarda Leviste ng mas malinaw at detalyadong paliwanag sa iminungkahing ₱27.7-bilyong internal budget ng House of Representatives sa ilalim ng 2026 General Appropriations Bill (GAB), iginiit na mahalaga ang transparency.

Sa isang pahayag noong Sabado, Disyembre 27, sinabi ni Leviste na umaasa siyang ilalatag ng Kongreso kung paano gagamitin ang nasabing pondo—lalo na ang ₱10.5-bilyong dagdag—bago ratipikahan ang GAB sa Lunes, Disyembre 29.

“I also asked the committee in charge for a detailed breakdown, and they did not respond. The public deserves to know how the whole ₱27.7 billion, and particularly the ₱10.5 billion increase, will be spent,” ani Leviste.

Ang kasalukuyang internal budget ng Kamara sa ilalim ng 2025 GAA ay ₱17.2 bilyon.

Si Leviste ay kabilang sa mga vice chairman ng House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Nueva Ecija 1st district Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing.

“I’m not only questioning the outcome, but the process: Why was no explanation given for the need for this increase, and why is no one speaking up on this?” dagdag niya.

Sinabi rin ni Leviste na hihikayatin niya ang kanyang mga kasamahan sa Kamara na ibunyag sa publiko ang mga benepisyong natatanggap nila mula sa MOOE at iba pang “incentives” bago ratipikahan ng House at Senado ang 2026 GAB.

Ang MOOE o Maintenance and Other Operating Expenses ng Kamara ay tataas umano mula ₱10.75 bilyon sa ₱18.58 bilyon sa panukalang badyet.

Ayon kay Leviste, sa isang 318-miyembrong Kamara, katumbas ito ng humigit-kumulang ₱58.42 milyon kada kongresista bawat taon, bagama’t aminado siyang may gastos para sa mga tanggapan at opisyal na gawain, at bahagi ng MOOE ay napupunta rin sa operasyon ng Kongreso.

Ibinunyag din niya na may buwanang MOOE ang mga mambabatas at may mga bonus tuwing Oktubre at Disyembre, kasabay ng pag-apruba ng badyet.

Dagdag ng 32-anyos na mambabatas, patuloy pa niyang sinasaliksik ang aktuwal na natatanggap na MOOE ng mga kongresista dahil hindi pantay ang alokasyon at itinuturing itong kumpidensyal kahit sa loob ng Kongreso.

Aniya, hindi niya tinatanggap ang kanyang suweldo at MOOE dahil sa kanyang mga pag-aalinlangan sa badyet. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here