MANILA, Philippines – Matinding hangin at ulan mula sa Bagyong Tino ang nagpatumba ng mga puno at poste ng kuryente, dahilan ng pagbaha at pagkawala ng kuryente sa ilang bahagi ng Leyte.
Apaw na ang evacuation center sa Abuyog nang maramdaman ang hagupit ng bagyo noong Lunes ng gabi, ayon sa Municipal District Risk Reduction Management Office.
“Hindi basta makakalusot dahil sa kawad ng kuryente… pinipilit nating makalusot at iniiwasan nating magputol ng kable ng kuryente para mapadali ang rehabilitation,” ayon kay MDRRM Abuyog head Erik Barcelo.
Nagsagawa ang pulisya ng road clearing operations upang madaanan ng mga sasakyang may dalang ayuda.
“Once the evacuees return home, we must now focus on the supply for relief operations and roads must be passable,” ayon sa Abuyog Police chief.
Sinimulan na ng mga residente ang pagkukumpuni ng kanilang mga bahay at pagpapatuyo ng mga gamit. Sa San Vicente Poblacion, Mahaplag, iniwan ng baha ang makapal na putik at kakulangan ng malinis na tubig.
May mga residente ring pinatuyo sa araw ang kanilang basang palay, habang ang iba ay pansamantalang nanuluyan sa mga kapilya.
Patuloy ang mga awtoridad sa pagbabalik ng suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar. RNT