Home OPINION LGUs DAPAT DIN IMBESTIGAHAN KAUGNAY SA KURAKOT

LGUs DAPAT DIN IMBESTIGAHAN KAUGNAY SA KURAKOT

240
0

HINDI lang naman mga mambabatas na nasa House of Representatives tulad ng pinangalanan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang pagtuunan ng pansin sa imbestigasyon, bulatlatin ang kanilang bank account kaya kailangan nilang magwaiver, subalit maging ang iba pang opisyales ng pamahalaan kasama ang mga gobernador at mga mayor.

Kasi nga, ang napagtutuunan lang ng pansin ngayon ay ang mga pagbaha sa mga lugar na pinagbuhusan naman ng pondo ng pamahalaan pero tulad nga ng sabi, may mga singit na proyekto na hindi lang naman galing sa mga mambabatas subalit mayroon din sa DPWH na mga gobernador at mga alkalde naman ang kausap.

Hindi ba’t ang mga pagawain tulay, mga pagsasaayos ng kanal, imburnal, ilog at ilang mga daanang tubig, mga alkalde ang kausap? Kaya dapat, hindi sila ligtas sa isinasagawang imbestigasyon. Dapat maging ang Department of the Interior and Local Government ay magsagawa rin ng sariling imbestigasyon kaugnay sa mga ginagawang pagnanakaw sa bayan ng mga nakaupong opisyales.

Ang tanong, gagawin ba ito ng DILG? Ah, hindi makasagot, ang ibig sabihin, wala silang plano! Baka kasi mahalukay rin ang kanilang itinatagong “multo”.

At hindi lang naman mga imprastrakturang palpak ang dapat imbestigahan subalit maging ang ilang kontrata kaugnay sa serbisyo at pagbili ng kung ano-anong kailangan sa isang lungsod o bayan.

Halimbawa ng serbisyo ay pagawain o mga pagpapalinis sa kanilang lugar. Natural na may binabayarang serbisyo, ang tanong, wala bang komisyon o patong? Isang halimbawa pa ay pagbili ng mga gamit na kailangan sa mga ospital, health centers tulad ng mga gamot. Hindi kaya overpriced?

Maraming kailangang gawin para maisaayos ang takbo ng pamahalaan sa Pilipinas. Maraming kailangang gawin at baguhin. Hindi naman kasi ito pwedeng “overnight.” Kailangan dito ang mahaba-habang panahon ng pagtitiyaga, pagtutulungan at pang-unawa mula sa magkabilang panig — pamahalaan at taumbayan.

Pero ang dapat mangyari, matuto na ang taumbayan sa mga kaganapan sa gobyerno na marami ang naging karanasan sa mga politikong kanilang iniluklok sa pwesto.

Sana nga, dahil sa mga pinagdaanan at karanasan sa mga nakaupo sa gobyerno, maging aral na sa mga mamamayan ang kanilang kamalian. Kaya nga sa susunod na pagluluklok nila sa pwesto sa kanilang mayor, congressman, governor, senators, vice president at president, ang piliin nila ay hindi iyong mabait, may pinag-aralan at matalino subalit mahusay at mabuting tao.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here