Ipinagpatuloy ng Senate Justice and Human Rights Subcommittee na pinamumunuan ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros ang kanilang imbestigasyon sa iba't ibang isyu kaugnay ng pagtakas ng tinanggal na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, mga anomalya na kinasasangkutan ang Bureau of Immigration (BI) at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), mga alalahanin tungkol sa espionage, at ang patuloy na problema ng human trafficking patungo sa mga scam compounds. Cesar Morales
MANILA, Philippines- Isang incorporator o kasosyo ng pinakamalaking service provider ng POGOs sa bansa ang isang Chinese national na bibigyan ng naturalization ng Pilipinas na isang malaking sampal at pambabastos sa ating pagka-Filipino, ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Sa pahayag sa pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa pagtakas ni dating Bamban Mayor Alice Guo nitong Martes, sinabi ni Hontiveros na kanyang natuklasan na pawan incorporator si Li Duan Wang ng POGO service provided na nagsara noong 2019.
“Si Li Duan Wang ay Incorporator ng New Oriental Club 88 Corporation – kumpanya na tinuring na pinakamalking POGO Service Provider pero pinasara noong 2019 dahil sa paglabag sa batas,” ayon kay Hontiveros.
Kahit naisara ang kompanya noong 2019, sinabi ni Hontiveros na inamyendahan ang articles of incorporation nitong noong 2020 upang makapagnegosyo bilang “Special Class of BPO” na magsisilbing service provider sa lahat ng offshore online gaming.
“Buhay pa po itong kumpanya ni Li Duan Wang as of last year, nakita po natin kanina ‘yung incorporators na isa siya, at noong August 2024 lang ay inamyendahan uli ang kanilang AOI para pahabain ang corporate term at existence nila,” giit ni Hontiveros.
“Nakakabastos po na lahat ‘yan ay itinago ni Li Duan Wang sa Kongreso,” aniya.
Kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang alegasyon ng pagkakasangkot ni Li sa binanggit na kompanya ni Hontiveros.
“Yes, ma’am. We confirm the SEC document that was shown earlier. That basically establishes his link to POGOs,” ayon kay PAOCC Dir. Winston Casio na tumutukoy sa articles of incorporation na ipinakita ni Hontiveros.
Sinabi ng senador na natagpuan si Li sa isang gusaIi na nilusob noong gabi ng Marso 18 base sa mission order mula sa Bureau of Immigration hinggil sa scam operations.
Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Viado na natagpuan sa Li sa naturang gusali pero hidi sa nilusob na tanggapan.
“Ang natanggap po naming information is he was within the building, but not within the premises of the office that was raided,” ani Viado.
Ngunit, sinabi ni Viado na hindi nila nakuwestiyon si Li kung bakit naroon siya sa naturang gusali bilang isang person of interest.
“Hindi po namin na-establish ang any connection between him and the corporation that was raided,” ani Viado.
Nitong Enero, inaprubahan ng Senado sa final reading ang House Bill No. 8839 na nagbibigay ng Philippine citizenship kay Li kahit marami itong “red flags” na ipinalutang ni Hontiveros sa pagkakasangkot nito sa POGO hub sa Porac, Pampanga.
Nakabinbin ang panukalang batas na hiniling ni Hontiveros na ibasura ng Palasyo. Ernie Reyes