MANILA, Philippines- Maaari pa ring ipagpatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP matapos bigyan ng Commission on Elections ng exemption mula sa spending ban ngayong national at local elections 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ito ay makaraang maisumite ng DSWD, NEDA at iba pang sangay ng pamahalaan ang guidelines ng pamamahagi nito.
Sa memorandum ng komisyon, nakasaad na dapat present ang election officer ng munisipalidad sa magiging pamamahagi ng mga programa at hindi rin saklaw ng exemption ang spending ban mula May 2 hanggang May 12, 2025, 10 araw bago ang halalan.
Ang mga kandidato naman ay hindi papayagan sa mismong araw at lugar ng pamamahagi ng ayuda.
Una nang hiningi ng DSWD sa Comelec na makasama sa election ban exemption ang mga ayuda tulad ng AKAP, AICS at mga financial assistance dahil nababalam umano ang iniaabot na tulong ng gobyerno sa mga mahihirap na Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden