Home NATIONWIDE Libo-libong indibidwal inasistihan ng PH Red Cross noong Semana Santa

Libo-libong indibidwal inasistihan ng PH Red Cross noong Semana Santa

MANILA, Philippines- Libo-libong indibidwal ang tinulungan ng Philippine Red Cross (PRC) nitong Semana Santa.

Sinabi ng PRC na hanggang Marso 31 ng hapon ay nasa kabuuang 5,108 indibidwal ang kanilang naasistihan sa buong bansa.

Ang Holy Week Operation ng PRC ay nagsimula noong Marso 24 kung saan 4,775 indibidwal ang kinunan ng vital signs (blood pressure) sa kanilang itinalagang first aid station sa iba’t ibang lugar.

Tumugon din ang PRC sa pangunahing kaso tulad ng abdominal pain, panghihina ng katawan, cardiac arrest, chest pain, malalim na sugat, pagkalunod, pagkahilo, fracture, at seizure.

Binigyan din ng agarang atensyon ang mga indibidwal na nakaranas ng minor cases tulad ng panghihina, mga nawalan ng malay, sakit ng ulo, hypertension, hyperventilation, cramps, pananakit ng tiyan at iba pa.

Dinala din ng PRC ang 20 indibidwal sa ospital matapos magtamo ng gasgas at sugat, makaranas ng pananakit ng katawan, pagkalunod, lagnat, hypoxemia, heat exhaustion, seizure, pagkawala ng malay at hirap sa paghinga.

Nagbigay din ang PRC ng mahalagang suporta para sa 58 indibidwal na nakarans ng emosyonal na pagkabalisa sa pamamagitan ng pagbibigay ng psychological first aid at pagtulong sa mga nawalay na tao sa kanilang mga kasamahan.

Ang mga first aid station na itinalaga ng PRC ay makikita sa 82 simbahan, 58 sa mga kalsada at highway, 23 chapters, 23 sa beaches, 18 sa terminals, 19 sa pilgrimage, 11 sa bundok, walo sa piers at seaports, anim bawat isa sa parks, pools, at ilog, anim sa gas stations, tatlo bawat isa sa events place, barangay halls, at malls, at isa isa sa airport, gymnasium, at public market.

Nabatid na ang PRC ay nag-deploy din ng 178 ambulansya, 242 first aid stations, 45 welfare stations, at 21 foot patrols na may 2,161 staff at volunteers. Jocelyn Tabangcura-Domenden