MANILA, Philippines- Ibinahagi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagkakakumpiska sa 7,920 units ng illegal vape products, na tinatayang may tax liability na humigit-kumulang P7 milyon, kasunod ng pagsalakay sa Taytay, Rizal.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr., nag-ugat ang operasyon makaraang makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na may mga nagbebenta ng vape products sa isang stall sa Taytay Tiangge Market, partikular ang Flava brand, nang walang BIR internal revenue stamps.
Dahil dito, nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadiskubre sa isang bodega sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal, kung saan nakaimbak ang mga ipinagbabawal na produkto ng vape.
Nabatid sa mga awtoridad na wala umanong tax stamps ang mga nasabing produkto, gayundin ay walang kaukulang rehistro ang stall at ang sinalakay na bodega. Bukod pa rito, wala umanong maipakitang mga kinakailangang permit at hindi nag-iisyu ng mga opisyal na resibo o invoice ang nasabing negosyo.
Ayon kay Lumagui, sisirain lahat ang mga nasamsam na produkto, bukod pa umano sa pagsingil ng mga hindi nila binayarang buwis at sasampahan pa sila ng kasong kriminal laban sa mga sangkot dito.
Hinikayat din ni Lumagui ang publiko na iulat ang anumang pagbebenta ng produktong vape na walang mga tax stamp. JAY Reyes