ILOCOS – Nag-aalok ng libreng at kumpidensyal na HIV testing ang pamahalaang bayan ng Banna, Ilocos Norte sa buong buwan ng Pebrero bilang bahagi ng kampanya laban sa pagkalat ng virus.
Hinimok ni Mayor Mary Chrislyn Abadilla ang mga residente na magpasuri sa laboratoryo ng Municipal Health Office na bukas tuwing araw ng trabaho mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
“Protect yourself and your partner. Love is a shared responsibility, and it makes informed decisions. All test results are confidential. Just approach one of our healthcare personnel at the Banna MHO to get tested,” ayon kay Abadilla.
Sinabi rin niya na nagkakaiba-iba ang sintomas ng HIV depende sa yugto ng impeksiyon, at iginiit na ang pagpapasuri lamang ang tiyak na paraan upang malaman ang kalagayan ng isang tao.
Batay sa datos ng provincial health office, umabot na sa 461 ang naitalang kaso ng HIV sa Ilocos Norte mula noong 1984, kabilang ang 22 bagong kaso noong 2025. Karamihan sa mga bagong impeksiyon ay mula sa edad 25 hanggang 34, habang may naitala rin sa edad 15 hanggang 24. Mary Anne Sapico