Home NATIONWIDE Libreng HPV vax para sa 9-anyos na kababaihan gugulong sa 2025

Libreng HPV vax para sa 9-anyos na kababaihan gugulong sa 2025

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na lahat ng siyam na taong gulang na babae na nais makatanggap ng human papillomavirus (HPV) vaccine ay makukuha ito nang libre sa 2025 kasunod ng pag-apruba ng pondo mula sa gobyerno.

Kinumpirma ni Health Secretary Ted Herbosa na hiniling at natanggap ang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang pondohan ang parehong dosis ng HPV vaccine na makakatulong na protektahan ang mga kababaihan mula sa cervical cancer.

Ang pondong ito ay batay sa Bakuna-Eskwela initiative, isang school-based nationwide vaccination program na inilunsad noong Oktubre 7 ng DOH at ng Department of Education (DepEd).

Ang programa ay naglalayon na mabakunahan ang mga batang nasa paaralan laban sa mga sakit na maiiwasan sa bakuna (VPD), kabilang ang:

  • Measles

  • Rubella

  • Diphtheria

  • Tetanus

  • Cervical cancer (via HPV vaccine para sa mga babae)

Layon ng programa na mabakunahan ang nasa 3.8 milyong public school students sa Grade 1 at Grade 7 ng measles-rubella at tetanus-diphtheria vaccines.

Higit 900,000 babae na Grade 4 students sa piling public school ang target na makatanggap ng HPV vaccine.

Noong Disyembre 13, iniulat ng DOH na 505,010 Grade 4 babaeng estudyante sa buong bansa ang nakatanggap na ng HPV vaccine na bumubuo sa 64.48% ng kabuuang target population. Jocelyn Tabangcura-Domenden