Home OPINION LIBRENG PASYAL SA INTRAMUROS

LIBRENG PASYAL SA INTRAMUROS

Alam n’yo bang bagama’t taong 1909 pa lamang ay mayroon ng mga pagkilos ang mga kababaihan, taong 1975 lamang nabigyan ng importansya ang mga isyung may kaugnayan sa kababaihan ng ideklara ng United Nations ang nasabing taon bilang “International Women’s Year”, at noon ngang taong 1977, nagkasundo ang UN General Assembly na kilalanin ang March 8 ng bawat taon bilang “International Women’s Day”.

Bilang pakikiisa ng Intramuros Administration na pinamumunuan ni Administrator Atty. Joan Padilla sa obserbasyon ng “International Women’s Day” sa ika-8 ng Marso, sa Biyernes na po ‘yan, ay libre po ang pagbisita ng mga kababaihan sa makasaysayang Fort Santiago, Casa Manila Museum at Baluarte de San Diego.
Magandang balikan ang kasaysayan ng Intramuros o ang “Walled City” na siyang unang Maynila. Sa pagbabalik ng mga Kastila sa pangunguna ni Miguel Lopez de Legazpi noong 1565 ay umusbong ang Intramuros.
Bahagi ng Intramuros ang Fort Santiago kung saan ikinulong ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal bago siya patayin noong December 30, 1896. Nagsilbi rin itong garrison ng Japanese Imperial Forces sa kasagsagan ng World War II.
Hindi mamatay-matay at nagpasalin-salin na ang mga kuwento ukol sa mga nagpapakita umanong mga sinaunang Kastila at mga pinahirapan noong digmaan, at maging ang “time portal” na kapag naapakan mo raw ay magbabalik ka sa panahon ng Intramuros noong 16th century.
Mararanasan naman sa Casa Manila ang arkitektura at pamumuhay ng mga Kastila at sa Baluarte de San Diego ay makikita ang unang pamamaraan sa depensa ng mga Kastila mula sa mga nagnanais na pasukin ang Intramuros.
Sa buong buwan ng selebrasyon ng National Women’s Month ay may mga nakalinya ring iba pang aktibidad, kabilang ang
● Mini weaving workshop sa Museo de Intramuros sa March 16 hanggang March 17, 2024.
● Pagkakaroon ng “Dalaw at Sayaw” at “Clentamuros” sa mga Linggo ng March 10, March 17 at  March 24, 2024.
Kaya ano pang hinihintay ng ating mga kabaro riyan, mamasyal na sa Intramuros ngayong darating na March 8, 2024.

Previous articleHotline sa pagitan nina PBBM, Xi ‘di pa rin naitatag sa gitna ng WPS tension
Next article9 suspek sa Degamo slay malaya pa rin matapos ang isang taon ng krimen