MANILA, Philippines- Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapatupad ng libreng PhilHealth coverage sa solo parents at kanilang mga anak, alinsunod sa Republic Act No. 11861, o ang Expanded Solo Parents Welfare Act.
Isa si Sen. Go sa mga may-akda at co-sponsor ng nasabing batas na awtomatikong isinama ang solo parents sa National Health Insurance Program na nagbibigay ng kinakailangang healthcare support para sa isa sa pinakabulnerableng sektor sa lipunan.
Sa Circular 2024-0020, nilinaw ng PhilHealth na ang solo parents ay awtomatikong maisasama bilang principal member sa ilalim ng kategoryang “indirect contributor”, na may partikular na “solo parent” subtype.
Tinitiyak nito na ang parents at kanilang mga anak ay maaaring ma-access ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan nang walang babayarang karagdagang financial contributions.
“This is a healthcare win for solo parents. Alam kong hindi madali ang maging solo parent, pero sa tulong ng batas na ito, masisiguro nating may sapat na suporta silang makukuha mula sa gobyerno, lalo pagdating sa kalusugan ng kanilang pamilya,” sabi ni Go.
Nilinaw pa ng PhilHealth na kailangan munang kumuha ng valid Solo Parent Identification Card (SPIC) ang solo parents mula sa kani-kanilang local government units bago i-update ang kanilang membership sa PhilHealth.
Ang card na ito ay magsisilbing paunang rekisitos para awtomatikong maisama sa ilalim ng expanded coverage.
“The applicant shall be advised of the importance of securing first the SPIC from the solo parent’s office/solo parents division of the concerned local government unit to update their membership record to PhilHealth,” batay sa circular.
Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtiyak sa accessible healthcare para sa lahat, lalo sa mga solong magulang na nahaharap sa mga hamon.
Inihayag din ng PhilHealth na maglalabas ito ng revised membership registration form, na sumasalamin sa updated membership type at subtype para sa solo parents. Ito ay upang mapabilis ang proseso ng pagpaparehistro at masigurong mas maraming solo parents ang makikinabang sa programa.
Muling idiniin ni Go na ang pagbibigay ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, lalo sa mga mahihinang sektor, ay nananatiling isa sa kanyang pangunahing prayoridad.
“Nandito ang gobyerno para tumulong. Basta’t valid ang SPIC, ang solo parents at kanilang mga anak ay magkakaroon ng health insurance. Gusto nating siguraduhin na may pantay na oportunidad sila pagdating sa serbisyong pangkalusugan,” dagdag ni Go.
Ang tuluy-tuloy na pagsisikap ni Go sa pag-isponsor ng naturang batas ay nagpapakita ng kanyang hindi natitinag na pangako sa kapakanan ng mga Pilipino, lalo sa mga nangangailangan nito.
Isinusulong ni Go ang mga makabuluhang reporma sa loob ng PhilHealth upang mapabuti ang healthcare services at matugunan ang mahigpit na pangangailangan ng mga Pilipinong nahihirapan sa mga gastos sa medikal.
Isa sa kapansin-pansing kinalabasan ng kanyang pagsisikap ay ang pagtanggal sa polisiya na Single Period of Confinement na ipinatupad simula noong 2013. RNT