MANILA, Philippines – Magbibigay ng libreng sakay ang Philippine National Police (PNP) para sa mga commuter na maaapektuhan ng transport strike simula Huwebes, Marso 19.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, layunin nito na matulungan ang mga pasaherong maaaring ma-stranded na makapasok sa trabaho.
“Our response will not just be about police visibility but the true help of the Philippine National Police to our kababayans who may be stranded,” aniya.
Tinatayang 85% ng puwersa ng PNP o humigit-kumulang 184,000 pulis ang ide-deploy para sa police visibility at pagtulong sa publiko. Pinag-aaralan pa ng PNP ang mga rutang dadaanan ng libreng sakay.
Ang transport strike ay pangungunahan ng grupong Piston bilang protesta sa pagtaas ng presyo ng langis, kakulangan ng subsidiya, at panawagan para sa mas mataas na dagdag-pasahe. RNT/MND