Home OPINION LABAN SA KORAPSYON ‘DI KASALI VS KRISIS

LABAN SA KORAPSYON ‘DI KASALI VS KRISIS

150
0

MAGANDANG tingnan na kumikilos ang gobyernong Marcos para pagaanin ang napakahirap na kalagayan ng mga Filipino ngayon dahil sa giyerang nilikha ng United States at Israel laban sa Iran.

Namimigay na ng ayuda ang mga pambansa at lokal na gobyerno sa mga traysikel driver, jeepney driver at iba pa.

Naririyan na rin ang taas-pasahe sa halos lahat ng uri ng transportasyon para sa kapakinabangan ng mga tsuper, operator, piloto at iba pa.

Nandiyan naman ang plano na tapyasan o suspendihin ang mga excise tax na P10 sa gasolina kada litro at P6 sa diesel kada litro at P3 sa kerosene kada litro at P3 sa liquified petroleum gas kada kilo.

Plano ring bawasan ang presyo ng aviation fuel para sa eroplano, toll sa mga expressway at port fees sa mga barko.

Plano ring mag-angkat ang gobyerno ng nasa 2 milyong bariles ng langis upang matiyak ang karagdagang reserba rito.

TINIMBANG NGUNIT KULANG

Kapag kinapa nang husto ang mga remedyong ito ng pamahalaan, higit na marami ang hindi makikinabang at iilan lang ang mapapaboran.

Sa mga tsuper na lamang, hindi lahat sila mabibigyan, batay na rin sa karanasan ng napakaraming tsuper.

Kwento ng mga grupo ng mga tsuper, isa sa apat o lima lamang ang nakatatanggap ng ayuda.

Ang mga pagtapyas ng excise tax, alanganin pa kung sususpendihin o tapyasan lamang.

Panay plano rin ang pagtapyas sa aviation fuel, toll at port fees.

Ang mga planong ito, kailan magaganap?

Isalang mo pa ang pagtataas ng pasahe sa lahat ng uri ng transportasyon gaya ng P1 sa bawat 4 kilometro at P.20 bawat kilometro pagkatapos nito.

Ang mga pamasahe nga na mula Manila hanggang Aparri o Albay, nadagdagan na ng P500.

At ang pinakamabigat sa lahat, mga Bro, lahat na ng presyo ng bilihin nagtaasan na, maging ang mga pangunahing bilihin na pagkain at iba pang pangangailangan sa bahay, eskwela, gamot at iba pa.

Sapol lahat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kasama na ang mga nabibigyan ng ayuda at benepisyaryo ng taas-pasahe.

Kaya swak na swak ngayon ang gobyerno sa kasabihang “tinimbang ka ngunit kulang.”

KORAPSYON ‘DI KASALI

Napapansin ba ninyo na hindi kasali sa usapan ang pagwasak ng korapsyon sa pamahalaan para magkaroon ng pondo para maayudahan ang lahat?

Malinaw na hindi kasali ang korapsyon dahil hindi ito binibigyang-diin ng pamahalaan.

Sa mga kalsada, patuloy ang mga panghuhuli sa mga motorista kahit sa napakaliit na dahilan dahil bukod sa pinagkakakitaan ito ng pamahalaang pambansa at lokal, may “for the boys pa” makaraan ang mga quota sa hulihan.

Wala ring pumupuna sa mga isiningit o insertion na bilyon-bilong piso ng mga kongresman sa pambansang badyet para sa 2026.

Inilantad ng Cabral files at Senate blue ribbon committee ang napakaraming korap ngunit hindi sila iniimbestigahan.

At masaklap ang 18 Marines na nagbubunyag ng abot-langit na korapsyon ang iniimbestigahan at pinagmumukhang sinungaling sa halip na imbestigahan ang mga isinasangkot nilang tumanggap ng mga male-masetang salapi o bilyon-bilyong pisong kikbak.

Saan nga tayo patutungo sa gitna ng lahat ng ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here