MANILA, Philippines- Sa kabila ng mga lumabas na balita tungkol sa pagkamatay ng isang batang lalaki na nagpatuli sa isang hindi lisensyadong doktor ay nag-alok naman ang Ospital ng Parañaque 2 (OsPar-2) ng libreng pagpapatuli sa unang 200 kabataan na nasa edad 9 pataas sa lungsod.
Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na ang libreng pagsasagawa ng pagtutuli sa mga kabataan sa lungsod ay isasagawa sa Hunyo 1 (Linggo).
Ang naturang medical mission o ang pagbibigay ng serbisyo ng libreng pagtutuli, ayon kay Olivarez, ay magaganap mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali kung saan ang magiging sistema ay gagawing first-come, first-served basis.
Pinaalalahanan ni Olivarez ang mga magulang ng mga batang nais magpatuli na kinakailangan munang kumuha ng medical clearance mula sa kanilang pediatrician o sa lokal na health center bago mapabilang sa alok na libreng serbisyo ng lokal na pamahalaan.
Iginiit pa ng alkalde na ang pagkakaroon ng medical clearance ay kinakailangan upang masiguro ang kaligtasan ng bawat kabataan bago pa man isailalim ang mga ito sa pagsasagawa ng nabanggit na procedure. James I. Catapusan