MANILA, Philippines – Nagpatupad ang pambansang pamahalaan nitong Huwebes ng libreng sakay para sa mga commuter na maaapektuhan ng dalawang araw na nationwide transport strike na ikinasa ng ilang transport group.
Sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr), sinabi nitong tatakbo ang libreng sakay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi sa Marso 26 at 27.
“May libreng sakay ulit ngayong araw sa ilang ruta bilang tugon sa utos ng Pangulo na tulungan ang mga pasaherong posibleng maapektuhan ng tigil-pasada,” ayon sa DOTr.
Ayon sa ahensya, magpapakalat ng mga libreng bus ang Office of the President, Department of Transportation, Department of Energy, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police sa mga rutang Philcoa-Cubao, Welcome Rotonda-Cubao, Lawton-Welcome Rotonda, Lawton-PITX, Nagtahan-Cubao, at Commonwealth-Fairview.
Nauna nang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority na nakahanda itong magdeploy ng free shuttle services kung kakailanganin. Nagpatupad din ng libreng sakay ang ilang local government unit noong tigil-pasada noong Marso 19.
Ang dalawang araw na strike, na itinakda sa Marso 26 hanggang 27, ay inilunsad ng mga transport group upang igiit ang aksyon ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel. RNT