MANILA, Philippines – Ibinasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang quo warranto petition na humihiling na mapatalsik si Senator Erwin Tulfo sa puwesto dahil sa umano’y isyu sa kaniyang pagkamamamayan.
Sa resolusyon ng SET, ibinasura ang petisyon dahil sa “being insufficient in form,” alinsunod sa Rule 23(a) ng 2020 SET Rules. Nakasaad sa naturang panuntunan na maaaring agad na i-dismiss ng tribunal ang isang protesta o petisyon kung kulang ito sa porma o sustansya.
Nilagdaan ang resolusyon ni SET chairperson at Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen, kasama sina Senators Pia Cayetano, Robin Padilla, Kiko Pangilinan, at Bam Aquino na pawang mga miyembro ng tribunal.
Inihain ni Berteni Cataluña Causing noong Hulyo 15, 2025 ang petisyon na humihiling sa pagpapatalsik kay Tulfo bilang senador dahil sa umano’y pagiging American citizen nito, kawalan ng katapatan sa Republika, paglabag sa pagbabawal sa political dynasty, at kakulangan sa academic qualification.
Naghain din si Causing ng disqualification case laban kay Tulfo noong tumatakbo pa ito sa 2025 midterm elections. Kabilang sa mga isyung ibinato rito ang umano’y diskwalipikasyon kaugnay ng libel conviction noong 2008, pati na ang kwestyon sa kaniyang citizenship, academic qualifications, at umano’y paglabag sa probisyon ng equal access to opportunities for public service at pagbabawal sa political dynasties.
Nauna nang ibinasura ng Commission on Elections ang dalawang petisyon na naglalayong idiskwalipika si Tulfo dahil sa kabiguang masunod ng mga petitioner ang ilang rekisito.
Malugod namang tinanggap ni Tulfo ang desisyon ng SET, na ayon sa kaniya ay “a direct and clear affirmation” ng mga naunang pagbasura ng Comelec sa mga disqualification case na paulit-ulit na isinampa laban sa kaniya.
“Bagama’t may nakahaing quo warranto case noong bagong pasok pa lamang tayo sa Senado, kailanma’y di naman ito naging hadlang sa tapat nating pagseserbisyo. Tuloy lang po sa trabaho,” ani Tulfo. RNT