Home METRO #LibrengSakay sa LRT-2 gugulong sa April 9

#LibrengSakay sa LRT-2 gugulong sa April 9

MANILA, Philippines- Bukod sa military veterans, libre ring makasasakay lahat ng commuters sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa paggunita ng Araw ng Kagitingan sa Martes, Abril 9, ayon sa Light Rail Transit Administration (LRTA).

Sa abiso, sinabi ni Atty. Hernando Cabrera, LRTA Administrator, na lahat ng pasahero sa LRT-2 ay libreng makasasakay sa peak periods mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at alas-5 hapon hanggang alas-7 ng gabi.

“Ito pong libreng sakay natin sa lahat ng pasahero ng LRT-2 ay bilang pakikiisa po ng LRTA sa paggunita ng Araw ng Kagitingan,” ani Cabrera.

“Isang pagpupugay po sa mga beterano at sa modern-day heroes lalo na po sa sektor ng transportasyon,” dagdag niya.

Aalis ang unang tren para sa Recto at Antipolo stations ng alas-5 ng madaling araw, habang lilisan ang huling tren mula Antipolo ng alas-9 ng gabi. Aalis ang huling tren sa Recto ng alas-9:30 ng gabi. RNT/SA