MANILA, Philippines – INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang isang araw na libreng sakay ng mga mananakay bukas, araw ng Biyernes, Disyembre 20, 2024 sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Sa Facebook page ni Pangulong Marcos, pinost nito ang nasabing libreng sakay para sa mga mananakay na tumatangkilik sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3. Magsisimula ang libreng sakay, simula alas-5 ng umaga hanggang als-9 ng gabi o depende sa destinasyon na pupuntahan ng isang mananakay.
“Usually ang huling friday bago magpasko ang pinakamaraming pasahero sa tren,” ang katuwirang ibinigay ni Presidential Communications Office (PCO) Sec. Cesar Chavez sa libreng sakay sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Tinatayang aabot sa 1.1 milyong pasahero ang sasakay sa mga linyang ito—ang pinakamataas na ridership na naitala ngayong taon.
“Expected ridership tomorrow, Dec 20, Friday, 2024 LRT LINE 1: 460,000, LRT LINE 2: 200,000 at MRT 3: 450,000,” ang sinabi pa rin ni Chavez.
“Papunta yan sa mga bus terminal sa Caloocan, Manila, Pasay, Cubao, North Avenue, plus PITx,” ang tinuran pa rin ni Chavez sabay sabing “The Office of the President will subsidize this free ride. Ibig sabihin, kung magkano ang dapat revenue ng LRMC sa Line 1, LRTA sa Line 2 at DOTr sa MRT3 sa araw na ito ay babayaran sa kanila ng OP.”
Ang inisyatibong ito ayon naman sa Pangulo ay isang simpleng paraan upang maibsan ang gastos ng mga kababayang Filipino na abala sa paghahanda para sa Pasko.
“Nawa’y magdulot ito ng ginhawa at maramdaman ng lahat ang malasakit ng pamahalaan ngayong kapaskuhan,” ang winika ni Pangulong Marcos. RNT