NASA kabuuang 11,677 na korporasyon ang nanganganib masuspinde ng Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa pagkabigo ng mga ito na sumunod sa mga pangangailangan sa pag-uulat kabilang ang pagsusumite ng annual financial statements (AFS) at general information sheets (GIS) sa loob ng walong taon o mula 2015 hanggang 2022 batay sa tala ng ahensiya hanggang nitong October 31, 2024.
Ayon sa SEC, ang malaking bilang ng mga korporasyon ay nasa proseso ng pagsusuri para sa posibleng pagsuspende ng kanilang mga certificate of incorporation.
Paliwanag ng komisyon, alinsunod sa Revised Corporation Code of the Philippines o ang Republic Act No. 11232, kinakailangan na ang bawat korporasyon, lokal man o dayuhan, na gumagawa ng negosyo sa bansa ay kinakailangang magsumite ng AFS at GIS bukod sa ibang mga pangangailangan sa pag-uulat, taun-taon at sa loob ng takdang panahon na maaaring itakda ng SEC.
Sa ilalim ng batas ay may kapangyarihan ang komisyon na suspendihin o bawiin ang sertipiko pagkatapos ng tamang paunawa at pagdinig.
Isa sa mga dahilan para sa pagsuspinde o pagkakansela ng certificate of incorporation o rehistrasyon ng isang korporasyon ay ang pagkabigo nitong sumunod sa mga pangangailangan sa pag-uulat, tulad ng nakasaad sa section 177 ng nasabing batas.
Hinimok ng SEC ang mga korporasyong may pagkukulang na gamitin ang Enhanced Compliance Incentive Plan (ECIP) bago matapos ang kasalukuyang taon.
Upang maiwasan ang pagsuspinde ng kanilang mga sertipiko ng incorporation, hinimok ng SEC ang 11,677 korporasyon na mag-avail ng ECIP bago matapos ang taon. Ang deadline para sa mga aplikasyon ng ECIP ay orihinal na itinakda noong Nobyembre 30, ngunit ito ay pinalawig ng SEC hanggang sa katapusan ng taon.
Sa ilalim ng ECIP, ang mga karapat-dapat na korporasyon ay may pagkakataon na makabalik sa kanilang magandang estado at magbayad ng mga multa sa mas mababang mga halaga. Sa mga hindi mag-avail bago magtapos ng programang ECIP.
Sinabi ng SEC na ang mga hindi sumusunod na korporasyon na nasuspinde o nabawian ng certificate of incorporation ay papasok sa bagong antas ng mga multa at parusa na ipinatupad ng komisyon noong April 2024 sa ilalim ng Memorandum Circular No. 6 Series of 2024.
Ang bagong mga antas ay aabot sa 900 hanggang 1,900 porsyento na mas mataas kumpara sa mga dating halaga na ipinatupad na sa loob ng mahigit dalawang dekada. Dagdag pa ng SEC, ang listahan ng mga korporasyon na nasuspendi ay magiging pinal matapos ang pagtatapos ng Enhanced Compliance Incentive Plan ECIP.