BREAKING news – pinutakti tayo ng karagdagang sumbong sa tinalakay natin sa ating nakaraang kolum hinggil sa mga pergalan na prente ng sugalan at shabu trafficking.
Langya, matindi pala itong si Donya Tessie basta pergalan ang pag-uusapan dahil sa dami ng kanyang pwesto – kung tawagin siya sa Region 4A ay ‘Pergalan Queen’.
Bukod sa nabanggit na natin sa nakaraang kolum itinuturo si Tessie na may-ari ng pergalan sa Brgy. Sto Domingo, Binan City at Brgy. Sto Tomas, Binan City, poste si Judith.
Sa kanya rin ang mga pwesto sa Brgy Sabang, Lipa City, kasosyo si Baby Tomboy; San Pablo city tabi ng Jollibee puesto pijo at pergalan malapit sa Silang New Municipal. Hall, Cavite.
Ganoon din sa Lancaster, Kawit, Cavite kasosyo si Bong; Brgy Caloocan, Balayan, Batangas kasosyo si Nelma at puesto pijo sa Brgy San Antonio sa San Pascual, Batangas, kasosyo sina Ka Mundo at Larry Liit.
May pergalan din si Tessie sa Brgy Anabu, Imus; Brgy Salitran, Dasmarinas city; Camerino, Dasmarinas City at pwesto pijo sa Top Top Choice sa GMA, pawang sa Cavite. Si EmIly ang kasosyo sa 4 na pergalan na ito.
Peryahan na front ng sugal at illegal drugs… paging Sec. Junvic Remulla at Gen. Rommel Marbil.
*****
Hanggang sa Disyembre 31 na lamang – ang petsang itinakda ni Pangulong Bongbong Marcos para sa pananatili ng Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.
Kaya sa Enero 1, siniguro ni Interior Sec. Junvic Remulla at Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil na masusunod ang utos ni BBM, “goodbye” na sa POGO anila.
Pero si Sen. Risa Hontiveros ay nagpahayag ng pangamba sa patuloy na POGO operation kapag aniya’y magiging kampante ang awtoridad sa kanilang trabaho.
May punto ang senadora. Sa tindi ng impluwensya ng mga nasa-likod ng POGO, nagbabala ang senadora na gagawin ang lahat makabalik lamang sa operasyon.
Sa bayan natin na madaling masilaw sa kinang ng pilak ang mga naturingang lingkod-bayan, pwedeng hindi at pwede ring magkatotoo ang pahayag ng lady solon.
Kaya sa tanong na mawawala na nga ba ang POGO, ‘political will’ ang kailangang manaig kung nais ni PBBM na tuluyan nang mawala ang POGO sa bansa.