APARRI, Cagayan – Bumagsak sa kamay ng alagad ng batas ang pinaniwalaang lider at isang miyembro nito sa pananambang at pagpatay kay Vice Mayor Rommel Alameda at lima pang kasamahan nito sa bahagi ng Bagabag, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang mga suspek na sina Alyas Ramon, lider ng isang Potential Private Armed Group (PPAGs) na residente ng Brgy. Luna, Sta. Rosa, Nueva Ecija at si Alyas George, nasa hustong gulang, miyembro ng PPAGs, at residente ng Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija.
Sa isinagawang monitoring at beripikasyon sa kinaroroonan ng mga suspek ay natukoy na mabilis naman nilang isinilbi ang Warrant of Arrest laban sa mga ito.
Ang Warrant of Arrest ay inilabas naman ng Regional Trial Court (RTC) Branch 28, Second Judicial Region, Bayombong, Nueva Vizcaya kung saan nahaharap ang mga ito sa anim (6) na bilang ng kasong Murder at walang inirekomendang piyansa para sa kanilang pansamantalang Kalayaan.
Ang matagumpay na pagkakadakip ng mga suspek ay pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit (PIU), Cagayan Police Provincial Office (CPPO) Regional Intelligence Division 2 (RID2) katuwang ang pinagsanib na puwersa ng h CIDG Cagayan RFU2; RID-PRO3; PIU-Nueva Vizcaya PPO; PIU-Nueva Ecija PPO; RIU2; Aparri PS; NBI-Cagayan Valley Regional Office; Sta. Rosa Police Station, Nueva Ecija PPO; 1st PMFC Nueva Ecija; Bayombong Police Station, Nueva Vizcaya; at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Region 2.
Matatandaang Pebrero 19, 2023 nang maiulat ang walang habas na pagpatay kay Vice Mayor Alameda kasama sina Abraham Ramos, Jr., John Duane Alameda, Alvin Abel, Ismael Nanay, Sr., Alexander Delos Angeles na tinaguriang Aparri 6. REY VELASCO