MANILA, Philippines – Kinansela ng Department of Migrant Workers ang registration ng ilang recruitment agencies na nagbibigay ng pansamantalang tuluyan ng mga overseas Filipino workers dahil sa hindi pagtupad sa mga kinakailangan at paglabag sa mga patakaran.
Ito ay matapos magsagawa ng sorpresang inspeksyon si Senador Raffy Tulfo sa ilang accomodation house sa Metro Manila at nadiskubreng nasa 18 hanggang 20 OFWs o magiging OFW ang nagsasalo sa maliit na tirahan.
Sa pagdinig sa Senate Committee on Migrant Workers, ipinakita ni Tulfo ang mga larawan ng masikip na tulugan, maruruming comfort room at mga walang laman na first-aid kit.
Sinabi niya na ang ilang bahay na tinutuluyan ay kulang ng mga fire extinguisher at fire escapes.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na kinansela na ang registration ng 27 ahensya sa hindi pagtupad sa requirements kabilang ang dalawa sa tatlong ahensya na ininspeksyon ni Tulfo.
Idinagdag pa ng kalihim na anim na lamang ang natitira na rehistrado sa ahensya at sila ay patuloy na ire-regulate.
Nauna na rin sinabi naman ni DMW Undersecretary Beranrd Olalia na ang mga accomodation houses ay iniinspeksyon bago sila pinapayagang mag-operate. Jocelyn Tabangcura-Domenden