Home HOME BANNER STORY Lider ng ‘Bayawak Gang’ utas

Lider ng ‘Bayawak Gang’ utas

MANILA, Philippines – PATAY ang hinihinalang lider Bayawak Gang makaraang makipagpaliran ng putok sa awtoridad nang tinangkang sitahin habang nakamotorsiklo nang walang plaka sa Bacoor City, Cavite.

Kinilala ang suspek na si Gilbert Albios y Puerto, alyas Boss ‘Bay’ ng Las Pinas City na namatay sa pinangyarihan ng insidente.

(Via Val Leonardo)

Ayon sa report ni PSMS Roberto Lacasa ng Bacoor CPS dakong ala-1:30 ng madaling araw nang nagsagawa ng Casing Surveillance ang mga operatiba ng DSOU QCPD, Cavite S2 at Bacoor City Police Follow up Team laban sa lider ng Bayawak Gang.

Tiyempo namang namataan ang suspek sakay ng isang motorsiklo na Honda Click na walang plaka sa harapan ng Nazareth Compound, Brgy Molino 3, Bacoor City Cavite at tinangkang parahin.

Subalit sa halip na tumigil ay pinaharurot ang kanyang motorsiklo hanggang sa paulanan ng bala ang mga humabol na operatiba.

Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad at nang matigil ang putukan ay tumambad ang nakahandusay na suspek.

Ayon sa ulat, si Albios ay ang lider ng Bayawak at Gun-for-Hire group na sangkot sa serye ng holdapan at nakawan kung saan target ang mga convenience stores sa National Capital Region (NCR) at Region 4A CALABARZON.

Narekober sa suspek ang isang kalibre 45 na baril, magazine na may walong bala, isang extra magazine na may anim na bala at isang kulay itim na motorsiklo na Honda Click. Margie Bautista