MANILA, Philippines – Napatay ang lider ng kilalang Brondial criminal group matapos pagbabarilin ng security guard ng isang tindahan ng prutas na sinubukan nilang looban sa Barangay San Isidro, Makati City noong Miyerkules, Agosto 14, sabi ng Southern Police District (SPD).
Kinilala ang suspek na si “Jeric,” 27-anyos.
Batay sa ulat ng pulisya, pumasok ang mga suspek sa tindahan at nagdeklara ng hold-up kung saan umakyat ang dalawa sa 2nd floor habang ang tatlo naman ay nanatili sa ground floor, kinuha ang mga cellphone ng security guard at mga empleyado ng tindahan.
Nagawa namang barilin ng security guard ang mga suspek na nataranta nang marinig ang sirena ng mga rumespondeng pulis. Si Jeric ay tinamaan at namatay-on-the-spot habang nakatakas ang kanyang mga kasamahan.
Narekober ng pulisya sa katawan ni Jeric ang tinangay na cellphone na pag-aari ng security guard, isang .9mm pistol, isang .38 caliber revolver, at iba’t ibang bala.
Samantala, sinabi ng cashier ng tindahan na nakuha ng mga kasabwat ni Jeric ang isang iPhone 13 na nagkakahalaga ng P40,000 at isang Samsung cellphone na nagkakahalaga ng P10,000.
Narekober din ng mga opisyal ang isang motorsiklo at isang Suzuki Raider motorcycle na walang plate number na nakuha ang lisensiya sa pagmamaneho ng lider ng gang.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na may standing warrant si alyas Jeric para sa frustrated homicide, paglabag sa RA 10883 (Anti-Carnapping Act), Robbery, at Murder. RNT