Home HOME BANNER STORY Lider ng criminal group arestado sa shootout sa Pasig

Lider ng criminal group arestado sa shootout sa Pasig

MANILA, Philippines – Huli at sugatan ang lider ng Rex Fahad Criminal Group matapos itong makipagbarilan sa mga operatiba ng Pasig police madaling araw ng Nobyembre 2 sa harapan ng isang coffee shop sa kahabaan ng Urbano Velasco Avenue, Brgy. Pinagbuhatan.

Kinilala ang mga suspek na Sina Abdulfahad Dirampa Malik, alyas Rex Fahad, 35-taon gulang may asawa, residente ng nasabing lugar at lider ng nasabing criminal group at kasamahan nitong si Nikki Reyes Mariano.

Ayon sa report, dalawang pares ng mga walang helmet na kalalakihan ang nagtutulak ng kanilang mga motorsiklo sa kahina-hinalang paraan.

Nilapitan umano ng dalawang Barangay Security Force (BSF) kasama ang isa pang pulis upang alamin ang dahilan kung bakit nila tinutulak ang dalawang motor.

Kaagad na pinaputukan ni Malik ang pulis ngunit hindi ito tinamaan. Gumanti rin ng putok ang pulis kung Saan tinamaan sa likurang bahagi ng kanyang katawan ang suspek.

Nagsitakbuhan ang tatlong kasamahan nito habang isinugod sa Pasig General Hospital (PCGH) si Malik na kasalukuyang isinailalim sa operasyon.

Samantala habang nasa ospital, aligaga ang isang lalaki at balak dalawin si Malik at doon namukhaan ng pulis na isa ito sa mga kasamahan ng suspek kung kaya kaagad na inaresto ang kinilalang si Nikko Mariano.

Sa ipinatawag na press conference ni PCol. Villamor Tuliao, District Director ng Eastern Police District (EPD), sinabi nito na isa ang Rex Fahad sa dalawang criminal group na minamanmanan ng EPD na nag-o-operate sa Pasig mula Marawi City at posible din umanong source ng ipinagbabawal na droga.

Sinabi naman ni PCol. Hendrix Mangaldan COP ng Pasig City Police na inaalam pa nila kung carnap ang dalawang motorsiklo na ginamit ng grupo at kung may lisensya ba ang kalibre .38 baril ni Malik.

Inihahanda na ang mga kasong attempted murder at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013 para isampa sa Pasig City Prosecutor’s office. Maritess Pumaras