Home NATIONWIDE Lider ng ‘huwad’ na tribal group arestado

Lider ng ‘huwad’ na tribal group arestado

MANILA, Philippines- Arestado ang pinuno ng umano’y isang bogus na tribal group sa Surigao City, Surigao del Norte nitong Huwebes ng umaga, ayon sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

“Arrested na po si Datu Adlaw. Ongoing pa po ang documentation,” pahayag ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III.

Sinabi ng CIDG sa isang police na nadakip si Jorgeto Corpuz Santisas o “Datu Adlaw” sa bisa ng arrest warrant para sa usurpation of authority.

Batay sa umano’y karapatan sa ancestral land, ikinandado umano ni Datu Adlaw ang ilang establisimiyento dahil sa hindi umano pagbabayad sa kanyang grupo na tinatawag na Federal Tribal Government of the Philippines (FTGP), base sa ulat.

Humihingi rin umano ng pera ang FTGP sa mga miyembro nito.

Inihayag ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na hindi rehistrado ang FTGP bilang indigenous people organization sa kanilang tala.

Bukod kay Datu Adlaw, natagpuan din ng CIDG ang 23 hinihinalang miyembro at siyam na bata sa lugar,  kabilang ang umano’y pinuno ng grupo na kinilalang si Lourdes Infante Salinas.

Noong Enero, naghain ng reklamong alarm and scandal laban sa grupo sa pagpapasara ng ilang establisimiyento. RNT/SA