ILOILO CITY- Positibong kinilala ng kanilang pamilya ang tatlong bangkay ng kasapi ng New People’s Army (NPA) na napatay sa engkwentro kabilang ang isang lider, noong Setyembre 29, sa malalayong barangay sa bayan ng Leon.
Kinilala ni Lt. Col. J-Jay Javines, hepe ng 3rd Infantry Division Public Affairs Office, ang mga nasawi na sina Azucena Churesca Rivera, kilala bilang Rebecca Alifaro o alyas Jing, residente ng Barangay Tinio-an, Cabatuan, Iloilo, secretary ng NPA Southern Front-Komiteng Rehiyon-Panay at mga kasama nitong sina Jimmy Macuna at Gerly Tejeros.
Ayon sa panganay na anak ni Rivera, taong 1980 nang umanib ang kanyang ina sa NPA at nahaharap sa kasong paglabag sa International Humanitarian Law, Anti-Terrorism Act of 2020, at attempted murder.
Habang si Macuna ay taga-Sibalom, Antique, at positibong kinilala ng kanyang tiyuhin samantalang tubong-Iloilo naman si Tejeros na kinilala ng kanyang mga kaanak.
Sinabi ng militar na si Macuna ay platoon member samantalang si Tejeros ay medical/education staff ng Komite.
Sinabi ni Javines na nakapagbigay na ng mga kaukulang dokumento ang mga pamilya ng tatlong nasawi at ite-turn over na sa kanila ang labi ng mga ito kapag nakumpleto ang isinasagawang imbestigasyon. Mary Anne Sapico