BAKU — Naibenta sa auction ang isang life jacket na ginamit ng survivor ng Titanic sinking sa halagang £670,000 (humigit-kumulang P54.3 milyon), ayon sa ulat.
Ang naturang life jacket ay ang tanging life jacket mula sa isang survivor ng Titanic na naibenta sa auction sa loob ng 114 taon at isinubasta sa Henry Aldridge & Son.
Ito ay pagmamay-ari ng first-class passenger na si Laura Mabel Francatelli, isa sa humigit-kumulang 700 nakaligtas sa trahedya noong 1912. Ginamit umano niya ang life jacket bago sumakay sa lifeboat.
Ayon sa auctioneer na si Andrew Aldridge, “ecstatic” siya sa naging resulta, at patuloy pa rin ang pandaigdigang interes sa kasaysayan ng Titanic.
Ang life jacket na may 12 pockets at straps ay nilagdaan ni Francatelli at iba pang survivor, at naibenta nang mas mataas kaysa inaasahang £250,000 hanggang £350,000.
Sa parehong auction, naibenta rin ang isang seat cushion mula sa lifeboat ng Titanic sa halagang £390,000 at napunta sa Titanic Museum Attraction para ipalabas sa publiko.
Ang auction ay kasabay ng paggunita sa ika-114 anibersaryo ng trahedya ng Titanic, kung saan tinatayang 1,500 katao ang nasawi matapos bumangga ang barko sa iceberg sa North Atlantic. RNT