Home METRO Vlogger sa viral gas station prank sa Cagayan, pinagpapaliwanag ng LTO

Vlogger sa viral gas station prank sa Cagayan, pinagpapaliwanag ng LTO

146
0

CAGAYAN VALLEY — Naglabas ng show cause order at ipinatawag ng Land Transportation Office ang isang vlogger, driver, at rehistradong may-ari ng isang sports utility vehicle na sangkot sa viral prank sa gas station sa Allacapan.

Sa video, makikitang hinahabol ng gas station attendant ang sasakyan matapos umanong tumakas ang mga sakay nito nang hindi nagbayad ng gasolina sa kahabaan ng Maharlika Highway.

Ayon kay LTO Chief Asec. Markus Lacanilao, pinasasuko ang lisensya ng driver na nasa 90-day preventive suspension. Nilagay din sa “alarma” ang sasakyan habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Sinabi ng ahensya na ang vlogger na nasa loob ng sasakyan ay umano’y nag-utos o pumayag na ipagpatuloy ang pagmamaneho habang hinahabol ng attendant sa matinding init ng araw.

Inatasan ng LTO ang mga sangkot na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng administrative sanctions dahil sa reckless driving at pagiging unfit na magmaneho. Maaaring umabot sa suspensyon o permanenteng pagkakansela ng lisensya ang parusa.

“Hindi katanggap-tanggap na gawing biro o content ang isang sitwasyong malinaw na naglalagay sa kapwa sa panganib,” ani Lacanilao.

Binigyang-diin din ng LTO na hindi dapat gawing content ang ganitong asal sa kalsada dahil nagdudulot ito ng panganib at walang puwang sa batas trapiko.

Tinanggal na rin ang orihinal na video na unang ipinost sa isang Facebook page na konektado sa dating alkalde ng Allacapan na si Harry Florida. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here