SURIGAO DEL NORTE – Patay ang isang lineman ng Surigao Norte Electric Cooperative (SURNECO) matapos mahawakan ang livewire sa poste na kanyang kinukumpuni nitong Miyerkules sa bayan ng Tubod.
Kinilala ang biktimang si Francisco Manliquez, nasa hustong gulang, may-asawa, at residente ng Barangay Siana, Mainit, Surigao del Norte.
Batay sa report ng Tubod Municipal Police Station, bandang 9:00 AM naganap ang insidente sa gilid ng highway sa Barangay del Rosario ng nasabing bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na umakyat ang biktima sa poste ng SURNECO para kumpunihin ang linya, subalit aksidente nitong nahawakan ang livewire.
Sa lakas ng boltaheng pumasok sa katawan ng biktima, nagkikisay ito sa itaas ng poste na may taling lubid sa katawan.
Agad naman tinulungan ang biktima ng kanyang mga kasamahan at dinala sa ospital, subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.
Nangako naman ang pamunuan ng SURNECO na magbibigay ng tulong pinansyal sa mga naulila ng biktima. /Mary Anne Sapico