MANILA, Philippines – Agad na isinakatuparan ng Philippine Red Cross (PRC) ang pag-aaktibo sa dalawang milyon nilang volunteers at emergency response assets bilang paghahanda sa pagsisimula ng tag-ulan.
Inatasan ni PRC Chairman at CEO Dick Gordon ang kanilang mga tauhan at volunteers mula sa national headquarters at 102 chapters sa buong bansa na magplano at maghanda para sa posibleng rescue at relief operations habang ang low pressure area (LPA) at southwest monsoon (habagat) ay patuloy na nagdadala ng ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Pinayuhan ng PRC ang publiko na panindigan ang 4Ps ng organisasyon sa disaster management—Predict, Plan, Prepare, and Practice.
Samantala, pinaalalahanan naman ni PRC Secretary General Dr. Gwen Pang ang publiko na gumawa ng kanilang personal na ‘Go Bag’ para ihanda ang sarili sa posibleng paglikas.
Pagaganahin ng PRC ang walo nilang regional warehouse, 178 ambulance, 36 food truck, 29 water tanker, 21 Volunteer Emergency Response Vehicles (VERVs), amphibious vehicles, rescue boat, at iba pang response vehicle, pati na rin ang drone at satellite internet communication network.
Bilang karagdagan, ang PRC ay magpapakilos din ng 17 Water, Sanitation and Hygiene (WASH) hub na nilagyan ng mga mobile purification system at emergency water bladder; tatlong field hospital; 128 medikal na tolda; at 5,700 medical corps volunteers. Ang mga serbisyong ito ay sinusuportahan ng 109 na pasilidad ng dugo, mobile health unit, at vaccination bus ng PRC.
Para sa mga emergency, maaaring tawagan ng publiko ang 24/7 hotline ng PRC sa pamamagitan ng pag-dial sa 143. Jocelyn Tabangcura-Domenden