MANILA, Phlippines – Tinutulungan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa banta na nagpapatuloy sa Northern Ireland.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang nasabing mga OFWs ay hindi nasaktan ngunit ang komunidad ay nasa ilalim ng banta o posibleng nasa panganib, ayon sa ulat.
Gumagawa na ng hakbang ang DMW upang matiyak ang kaligtasan ng mga OFWs.
Daan-daang nakamaskara ang umatake sa mga pulis at sinunog ang mga bahay at sasakyan sa bayan ng 30,000 katao sa ikalawang sunod na gabi noong Martes, ayon sa ulat ng Reuters.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagkasira ng ari-arian bilang mga racially-motivated “hate crimes.”
Nagsimula ang riot matapos maaresto ang dalawang 14-anyos na lalaki at isinalang sa korte matapos maakusahan ng serious sexual assault sa isang dalaginding sa Ballymena.
Sinabi ng isang abogado sa korte na itinanggi ng dalawang binatilyo ang akusasyon at sila ay ibinilanggo sa kustodiya hanggang Hulyo 2. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)