MANILA, Philippines – Napawalang-sala at ligtas na naiuwi sa Pilipinas ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nahatulan ng kamatayan sa Saudi Arabia, kasunod ng patuloy na legal at diplomatikong pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na ang OFW ay nakulong sa Riyadh General Jail simula Setyembre 2023 kaugnay ng drug-related charges at nahatulan noong Setyembre 2024.
Napawalang-sala naman ngayong taon at napauwi ng Pilipinas noong Hunyo 10.
Ang OFW, ayon sa DMW, ay kasalukuyang nasa ilalim ng pangangalaga ng OWWA sa isang hotel sa Pasay City habang inihahanda ang kanyang pagbabalik sa kanyang bayan sa Butuan City.
Sinabi ni Cacdac na ang gobyerno ay magbibigay din ng financial assistance at livelihood support upang tulungan ang OFW na muling makabangon.
Samantala, inihayag ni Cacdac na tinatayang nasa 60 Pilipino ang nasa death row sa buong mundo.
Karamihan ay nasa Malaysia, na sinundan ng Saudi Arabia.
Ayon kay Cacdac, regular na bumibisita ang DMW sa mga nakakulong na OFWs upang masiguro na ang mga abogado ng DMW ay nangunguna sa bawat kaso. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)