MANILA, Philippines – Ginisa ng isang mahistrado ang umano’y “urgent national projects” na nakadeklarang paglalaanan ng pondong kinuha ng pamahalaan sa PhilHealth gayong lumalabas na may pondo na pala ang mga ito.
Sa oral argument nitong Martes, Pebrero 25 hinggil sa pondo ng PhilHealth, inungkat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier ang nakalistang Panay-Guimaras-Negros Bridge na aniya’y pinondohan na ng mahigit P179 billion ng Export Import Bank of Korea.
Maliban pa rito, lumalabas din umano na napaglaanan na rin ito ng P50 million na pondo noong 2022 at P57 million naman noong 2023.
Ang tanong ng mahistrado: bakit minamadali ng pamahalaan ang paglilipat ng pondo kung buo at ilang beses na palang napondohan ang mga proyektong ito?
Depensa naman ni Solicitor General Menardo Guevarra na siyang tumatayong abogado ng pamahalaan, mahaba ang listahan ng mga proyekto at hindi lamang ito pang-imprastraktura. Kabilang na aniya ang ilan pang mga programang pangkalusugan.
Pero pagtitiyak ni Guevarra, kanilang pag-aaralan ang pinupunto ni Lazaro-Javier.
Sa pagtatapos ng pagdinig, inatasan ng Korte ang PhilHealth na magsumite ng organizational diagram na naglalaman ng mga pangalan, educational background, at trabahong ginagampanan ng lahat ng opisyal ng ahensya.
Kakailanganin din ni SolGen Guevarra na magpasa ng listahan ng lahat ng kaso ng notice of disallowances na inihain ng Commission on Audit laban sa PhilHealth.
Sa susunod na Martes, March 4, nakatakdang magpapatuloy ang oral arguments tungkol sa kaso. Teresa Tavares