MANILA, Philippines – Arestado sa Cainta, Rizal ang isang 30-anyos na kasambahay matapos umanong magnakaw ng mahigit P5 milyon halaga ng ari-arian, kabilang ang dalawang sasakyan at dalawang alagang pusa, mula sa kanyang among Chinese.
Ayon sa employer na si alyas Aileen, kinuha niya ang kasambahay noong Pebrero 12, ngunit noong Pebrero 14, bumalik siya sa bahay at natuklasang magulo ito at nawawala ang kanyang mga gamit.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na dati nang sangkot ang suspek sa ganitong uri ng krimen laban sa mga employer na Chinese at Pilipino.
Matapos ang 10 araw na paghahanap, naaresto ang suspek sa bahay ng kanyang kinakasama sa Cainta nang walang pagpalag.
Nalaman din ng pulisya na may existing warrant of arrest ang suspek at inamin nitong ninakaw ang mga gamit dahil sa pagkakalulong sa sugal.
Gumagamit umano ang suspek ng iba’t ibang alyas at pekeng ID at nakapagnakaw na ng mahigit P20 milyon sa pamamagitan ng iba’t ibang modus, tulad ng pagpapanggap na real estate agent at panloloko sa mga naghahanap ng trabaho.
Patuloy ang imbestigasyon at hinihikayat ang iba pang biktima na lumantad. RNT