Home NATIONWIDE Panalangin para kay Pope pinangunahan ni Cardinal Tagle sa St. Peter’s Square

Panalangin para kay Pope pinangunahan ni Cardinal Tagle sa St. Peter’s Square

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Cardinal Luis Tagle ng Pilipinas ang isang panalangin sa St. Peter’s Square sa Vatican nitong Martes para sa kalusugan ni Pope Francis, na kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon dahil sa double pneumonia.

Dinaluhan ang seremonya ng mga pilgrim at mga opisyal ng Simbahan, at isinasagawa ito araw-araw ngayong linggo.

Ipinagdasal ni Tagle ang pagbuti ng kalagayan ng Santo Papa at nawa’y maramdaman nito ang suporta at pagmamalasakit ng Kristiyanong komunidad.

Ayon sa Vatican, bagamat apat na araw nang kritikal ang kondisyon ni Pope Francis, nananatili itong stable at walang karagdagang krisis sa paghinga.

Nasa ika-12 gabi na sa Rome’s Gemelli hospital ang 88-anyos na Santo Papa matapos ma-admit noong Pebrero 14 para sa bronchitis, na kalauna’y nakumpirmang pneumonia. Lumala ang kanyang kalagayan noong Pebrero 22, at nakitaan din ng bahagyang problema sa kidney function noong Pebrero 23.

Noong Pebrero 24, iniulat ng Vatican na bahagyang bumuti ang kanyang kondisyon, bagamat patuloy siyang naka-oxygen.

Si Tagle, dating arsobispo ng Maynila, ay kasalukuyang naglilingkod bilang pro-prefect ng Section of First Evangelization sa Dicastery for Evangelization ng Vatican. Sinamahan din niya si Pope Francis sa apostolic journey sa Timog-Silangang Asya noong Setyembre 2024. RNT