MANILA, Philippines – Kinansela ng Land Transportation Office nitong Lunes, Pebrero 17, ang driver’s license ng co-founder at chief operating officer ng motorcycle ride-hailing firm na Angkas na si George Royeca.
Ito ay kasunod ng insidente noong Pebrero 2 sa Cainta, Rizal kung saan sa nag-viral na video ay makikita ang mga Angkas rider na humarang sa daloy ng trapiko para makadaan ang kanilang convoy.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni LTO chief Vigor Mendoza na binawi nila ang lisensya ni Royeca dahil inamin nitong inorganisa niya ang motorcade.
“In the case of Angkas, na-revoke po ‘yung lisensya ni George Royeca dahil he admitted ‘yung pag-organize ng mga Angkas riders tapos nahinto ‘yung traffic sa Cainta,” aniya.
Agad naman umanong sumuko si Royeca sa LTO matapos ang insidente at sinabing pananagutan niya ang pagkakamali ng Angkas riders.
Dahil sa revocation ng kanyang lisensya ay hindi maaaring magmaneho si Royeca, ngunit maaari naman umanong maghain ng reconsideration.
Si Royeca, ay tumatakbo para sa pwesto sa Kamara sa 2025 election bilang first nominee ng ANGKASANGGA party-list.
“There are no excuses for our actions. This should not have happened,” ani Royeca.
“This is a failure to uphold discipline, safety, and compliance that Angkas has long stood for.”
Nakikipag-ugnayan din umano sila sa mga awtoridad kaugnay ng insidente. RNT/JGC