MANILA, Philippines – Muling ipinagtanggol ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong linggo si dating President Rodrigo Duterte kasunod ng kontrobersiyal na “kill” remark laban sa 15 senador upang makapasok ang kandidato nito.
Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa na nagbibiro lamang si Duterte at hindi nito literal na gagawin na ipapatay ang 15 senador upang makapasok ang kandidato ng PDP-Laban.
“Hay! Hanggang ngayon… ‘di pa niyo kilala si Pangulong Duterte, ‘no? Hanggang ngayon, ganoon pa rin? Ganoong statement, bigyan niyo ng weight? Klaro naman ‘yun na biro,” ayon kay dela Rosa sa pahayag.
“Kung talagang totoo… gusto niyang pumatay ng 15 na senador, bakit niya i-announce? Klarong-klaro na nagpapatawa siya,” dagdag ni dela Rosa, na dating hepe ng Philippine National Police sa panahon ni Duterte na naglunsad ng madugong drug war.
Isinagawa ni Duterte ang kontrobersiyal na remarks sa PDP-Laban proclamation rally, kasama ang anak nitong sina Vice President Sara Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte, sa pag-endorso sa kandidato nito.
“Patayin natin ‘yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo ng mga 15 na senador, pasok na tayong lahat… Talking of opportunities, the only way to do it is pasabugin na lang natin,” ayon kay Duterte.
Tulad din ng ama, naunang pinagbantaan din ni VP Sara sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez na kanyang ipapatay.
Pumalag din dito si Senador Risa Hontiveros na nag-imbestiga sa drug war ni Duterte at Dela Rosa. Ernie Reyes