MANILA, Philippines- Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng 90 araw ang driver’s license ng motorista sa likod ng pagbangga ng SUV sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Linggo.
“We already issued an SCO asking both the registered owner and the driver to appear before our office and explain the incident as part of our investigation,” pahayag ni LTO chief Vigor Mendoza II.
Patay ang dalawang inbidwal, kabilang ang isang lalaki at isang batang babae, nang bumangga ang isang itim na black Ford Everest sa outer railing at sa walkway malapit sa terminal entrance ng NAIA Terminal 1 noong Linggo. Sugatan naman ang ilang indibidwal sa insidente.
Nauna nang kinumpirma ni Transportation Secretary Vince Dizon na isinailalim na sa kustodiya ng mga pulis ang suspek.
Batay sa ulat, sinabi ng LTO na sinabi ng driver sa mga pulis na paalis na siya ng departure area ng NAIA matapos maghatid ng pasahero nang bigla umanong dumaan sa harap nito ang isa pang sasakyan.
“This sent him to panic and instead of the brakes, he stepped on the gas pedal. As a result, two people died and three others were injured,” anang ahensya.
Sinabi ng LTO na magsasagawa ito ng sariling imbestigasyon upang alamin ang mga pangyayari na nagresulta sa aksidente. RNT/SA