MANILA, Philippines – Para matiyak ang transparency, hinimok ng ilang mambabatas si Pangulong Bongbong Marcos na atasan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na i-livestream ang isinasagawa nitong mga hearing.
Ang apela ng mga mambabatas ay kasunud na rin ng patuloy na pagmamatigas ng ICI na isapubliko ang kanilang imbestigasyon.
Ayon kay Rep. Leila M. de Lima House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist na hindi nila inaasahan ang ganitong pagmamatigas ng ICI.
“‘Pag sinabing “independent” commission, hindi ibig sabihin, magsasarili na lang, magso-solo. A fact-finding body like the ICI, dealing with matters of such importance must be transparent and open. People need to know what’s happening to allay fears and dispel any suspicion of a potential cover-up or whitewash,” paliwanag ni de Lima.
Giniit pa ni de Lima na ngayong wala nang imbestigasyon na ginagawa ang Kamara at Senado sa isyu ay mas sabik ang publiko na malaman na ang estado ng imbestigasyon.
“Kaya nga binuo ang ICI dahil sa kagustuhan ng publiko na malaman ang buong katotohanan, tapos isisikreto lang nila ang pagdinig. Para naman tayong naglolokohan. Nakapanggagalaiti na,” ngitngit pa ni de Lima.
Gayundin ang panawagan ni Las Pinas Rep Mark Anthony Santos, aniya, nagkaroon ng “outburst”sa pagdinig ng ICI si dating DPWH Secretary at Sen Mark Villar ngunit hindi ito nasaksihan ng taumbayan at hindi rin alam kung ano ang pinagmulan nito.
“This is why the ICI should consider live streaming its hearings — so that the people themselves can see what’s really happening. Kung may live stream, eh di walang ganyan sana,” ani Santos.
Sinabi pa ni Santos na hindi lamang dapat resource person ituring ng ICI si Villar kundi isang respondent o defendant dahil ito ang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nang maitala anv mga anomalya sa flood control projects. Gail Mendoza